February 05, 2008

Trip to Quiapo: Book Review

Pagbasa na ata ang pinakaboring na gawain sa buhay ko. Mag-iisang buwan na at hindi ko pa rin nagagawa ang reading assignment ko sa isang sabjek sa IT. Ilang beses na akong nagtangka na magbasa at nauuwi lang ito sa pagidlip ng aking mga mata. Sa tuwing di ako makatulog, ilang paragraf lang, nanaginip na ako. Di ko talaga maintindihan kung bakit sa magbabarkada nung haiskul, ako lang ata ang hindi pinagpala sa talento ng pag-appreciate ng mga nobela at pocket books. Gayon man, ang sakit kong ito ay di ko hayaang maging dahilan sa di ko paggawa rebyung ito.

Ang librong Trip to Quiapo na ata ang pinakakasusuklaman kong libro sa kadahilanang naging assignment namin ito at hindi sa nilalaman nito. Inaamin kong ang unang kabanata lamang ng libro ang aking naunawan, ngunit sa kakarampot na kaalamang ito ay maraming aral sa buhay ang aking nahagilap.

Ang librong ito ay inilimbag ni Ricky Lee, isang tanyag na screen writer ng ilang sikat na pelikula tulad ng Himala na nagkamit ng sari-saring parangal. Ang librong ito ay isang manual sa pagsusulat o scriptwriting. Ang scriptwriting ay napapaloob sa matiyagang step-by-step na proseso upang magkaroon ng magandang pelikula.

Ang script ang dugo ng pelikula. Dito naipapahiwatig ng mga aktor ang kwento. Sa paggawa ng script, may tinatawag na Pre-writing at Writing stage. Sa pre-writing stage nagsisimula ang pagbuo ng konsepto. Sa maliit na ideya, tumutubo ang mga magagandang kuwento na likha ng imahinasyon. Sa paggawa ng ideya, kailangang gumawa ng problema at ipagtagpi-tagpi ito sa bagong ideya. Sa mga fiction movies, nagsisimula ito sa mga tanong na "What if?". Paano kung buhay pa ang mga dinosaur sa kasalukuyan? Paano kung may isang kometang lalagapak sa mundo? Paano kung totoo ang magic? Sa mga simpleng tanong nabubuo ang mga ideyang maaaring pagsimulan ng ating script. Maaari ding gamitin ang mga karanasan sa totoong buhay upang magsimula ng kwento.

Sa pre-writing, nabubuo na rin ang mga tauhan ng ating kwento. Iba't ibang karakter ang kinakailangan sa sari-saring kwento. May mga pelikulang aksyon, komedya, melodrama, trahedya, parsa, dokyumentaryo, atbp. Ito ang tinatawag na genre ng pelikula. Ang iba't ibang genre ay may kani-kanila ring mga plot o pagsusunod-sunod ng mga pangyayari sa kwento.

Mapapansing purong Tagalog ang aking ginamit na may halong Ingles. Ang pag-presenta ng mga ideya dito ay isinulat tila nag-uusap ng impormal. Ang librong Trip to Quiapo ay isang modulo hindi lang sa paghaharap sa mundo ng pagsusulat, ito rin ay para sa ating pagharap sa buhay. Sa paglalakbay sa ating buhay, marami tayong daang mapagpipilian. Sa aklat, pinapakita ang iba' ibang paaran ng paglalakbay patungong Quiapo. May mga daang maluwag at masikip. Mayroon namang mabato o putikan. Tulad ng scriptwriting, maraming paaran upang makagawa ng kwento. Ngunit, hindi lahat ng daan ay masasabi nating tama o mali. Ang tanging nakakaalam lamang ng ating destinasyon ay ang mga disisyon natin sa buhay.

Kung gusto, maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan. Ang pagsusulat ay hindi ginagawa kasi "feel" natin o nasa "mood" tayo. Ito ay nararanasan at hinahasa kasi may anking talento at karanasan ang isang tao. Huwag nating hayaang talunin tayo ng ating mga kahinaan sa buhay. Kung ayaw mong bumasa ng librong pagkahaba-haba, bigyan nyo ng oras ang inyong sarili na mapag-isa. Kung gusto mong sumayaw ngunit kaliwa ang dalawang mong paa, sumayaw ka. Isulat nyo ang inyong nararamdaman. Ang mga karanasan natin sa buhay ang ating kayamanan upang tayo'y maging matatag na tao.

1 comment: